(From left to right) ABC Pres. Julian de Roxas, Konsehal Jhun Santos, Konsehal Raymund De la Vega, Konsehal Joebert Mapalad, Konsehal Carlos Ermita Alvarez, SKMF Pres. Christian Lopez, Konsehal Bernie Pantoja

“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagka-dalisay at pagka-dakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.”

­Ito ang mga katagang iniwan sa atin ng ating bayaning si Gat. Andres Bonifacio. Ang aral na ito ang nagpapaalala para sa mga mamamayan ng kasalukuyan upang maipagpatuloy ang pag-ibig sa sariling bayan. Kung kaya’t ang Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Emmanuel Salvador P. Fronda II, ay sama-sama sa paggunita ng ika-157 niyang kaarawan sa pamamagitan ng programa na pinamagatang “Bonifacio 2020: Tapang at Kaligtasan Tungo sa Malayang Lipunan.”

Ayon sa ating Municipal Legal Officer na si Atty. Efren Chavez, “Gaya ng hindi pagsuko ni Gat. Andres Bonifacio para sa mga Pilipino, ang ating pamahalaan ay hindi sumusuko sa paggawa ng mga programa at polisiya para malagpasan natin ang mga hamon sa ating bayan.”

Kaugnay sa ating tema, ibinahagi ni Konsehal Jhun Santos bilang miyembro ng lehislatibong sangay ng pamahalaan na siyang nagpapatupad ng batas, na “kailangan nating maging matapang sa paggawa ng ordinansa at pamantayan, magalit man ang ilan, pero ito ay para sa kaligtasan ng mga mamamayan.”

Bilin naman ni Konsehal Raymund Dela Vega, “katulad ni Gat. Andres Bonifacio, nawa’y tayo ay maging bayani at maging modelo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga health protocols upang makamit natin ang kalayaan mula sa pandemyang ating kinakaharap.”

Ipinapaalala din ni Konsehal Joebert Mapalad na “Ang tagubilin ni Bonifacio at ng kaniyang Katipunero ang kanilang paniniwala na makakamit lamang ang tunay na kaginhawaan at kalayaan kung ang mga tao ay may mabuting kalooban sa bawat isa.”

Binigyang diin naman ni Konsehal Carlos Ermita Alvarez na “Si Andres Bonifacio ay bayani ng ating bansa pero sa sitwasyon natin ngayon, let’s not forget our heroes today helping us to #BeatCOVID19 and that is our frontliners”

Kasama rin sa pagbati sa pagdiriwang na ito sina Konsehal Bernie Pantoja, ang kinatawan ng Liga ng mga Barangay Pres. Julian De Roxas, at ang samahan ng Sangguniang Kabataan sa pangunguna ni SKMF Pres. Christian Lopez na nagpapabatid na, “Atin pong alalahanin ang kanyang katapangan para sa ating bansa. Sa atin pong mga frontliners, maraming salamat po sa inyong mga sakripisyo para labanan ang Covid-19.”

Bilang pakikiisa, ang mga Department at Section Heads, kasama ang Sangguniang Bayan, Liga ng mga Barangay, BFP, PNP, Amihan Guardians Loyal Brotherhood, Association of Senior Citizen, BHW, BNS, Knights of Columbus, Kumintang Assembly, Liga ng mga Barangay, OSCA Head, Balayan DepEd- Balayan East and West Districts, VAWC, MWCC at Don Manuel Lopez Memorial District ay nag-alay ng bulaklak sa kaniyang bantayog ganap na ika-7:30 ng umaga noong ika-30 ng Nobyembre, 2020. Ang kanyang buhay ay inspirasyon sa sama-sama nating pagbangon.

#BonifacioDay2020