Sa pagpasok ng taong 2021, nagsagawa ng bagong programa ang ating punumbayan na si Mayor Emmanuel Salvador P. Fronda II, at ito ay tinawag niyang AIM o Adapt Innovate Maintain. Naka-paloob dito na magsusumikap ang ating bayan, kasama ng mga kawani at ng mga nasa katungkulan para patuloy na hanapin ang tagumpay sa ikabubuti at ikauunlad ng ating bayan. Ito ay isang layunin para maging matibay tayo sa ating paglilingkod at upang hindi matinag ng anumang pagsubok. Ang AIM o layunin ng ating bayan ay ang maging matagumpay at patuloy na umangat, gayundin ang lalo pang mapagyabong ang kulay at sigla ng paligid at ng mga mamamayan. Kapag may ganito tayong layunin, unti-unti natin itong maaabot at mararating sa tulong ng bawat isang Balayeño. Tiyak na kapag tayo ay hindi nagpadaig sa anumang pagsubok, ito ay ating kakayanin at ang tagumpay ay mapapasaatin.

 

Sa unang Lunes ng taong ito, ipinagbigay-alam niya sa lahat ng kawani ang tungkol sa programang ito kung saan ang kanyang palaging paalala sa lahat, “sisimulan natin ang taon na ito nang nakangiti, at tatapusin natin ang taon na ito nang nakangiti”. Nangangahulugan ito na huwag tayong mapapagod na pagsilbihan ang ating mga kababayan at maging matatag sa lahat ng mga pagsubok na haharapin.

 

 

Sa pagbubukas ng programang ito, idinagdag pa ng ating Mayor JR Fronda na “Kung kayo po ay tumitingin sakin, sa akin po kayo sasama; kung kayo po ay tumitingin sa ating Panginoon, kasama niyo po ako; kung kayo naman po ay tumitingin sa aking mga katabi, kasama niyo din po ako. Kinakailangan po maging isang bayan po tayo, kita na natin kung ano ang nangyari nung isang taon. Sinalubong na tayo ng malakas na lindol dulot ng pagputok ng bulkan, pinasok tayo ng pandemya, ginulat tayo ng mga bagyo, gayunpaman muli tayong magpasalamat sa Panginoon. Harap- harap uli tayo, at ngayon sa pagkakataong ito, hindi natin hahayaan na ang mga bagay na magpapabagal sa ating mga trabaho, ang siyang sisira sa ating sinumpaang tungkulin. Di natin hahayaan na maantala ang serbisyo na ibibigay natin sa ating mga kababayan, kung kaya’t sa lahat ng pinagdaanan natin, sana’y ito’y maging silbing aral at magsilbi na tayo ay lalong maging masigasig ngayong panahong 2021. Hindi tayo magsasabi na sana maging maganda ang parte ko, kundi ang sasabihin natin bilang kawani ng Gobyerno, tayo ang mangunguna upang sa gayon ang bayang na ‘to ay lalong umunlad, bumalik ang kapamilya at maging makulay at muling magsama-sama. Mabuhay ang bayan ng Balayan! Mabuhay tayong lahat at mabuhay ang araw na it!  Maraming salamat, magandang umaga po!”